Ano ba ang TFN?
Ang Tax File Number (TFN) ay ang personal na reference number mo sa tax at superannuation system ng Australia. Karaniwan itong 9 digits, at sa iyo ito habambuhay — kahit magpalit ka ng trabaho, apelyido, lumipat ng state, o umuwi muna sa Pinas, iyon pa rin ang TFN mo. At ang maganda: libre ang pag-apply.
Bakit kailangan mo ito agad?
Hindi sapilitan ang TFN, pero kung wala ka nito, mas malaking buwis ang kakaltasin sa iyo. Ayon sa Australian Taxation Office (ATO), kung walang TFN, ang employer o bangko mo ay obligadong mag-withhold ng mas mataas na tax mula sa ibabayad sa iyo. Bukod pa diyan, kung wala kang TFN:
- Hindi ka makakapag-apply ng government benefits o allowances (hal. JobSeeker);
- Hindi ka makakapag-lodge ng tax return online;
- Hindi ka makakapag-apply ng Australian Business Number (ABN) kung gusto mong mag-freelance o magnegosyo.
Kaya payo namin: sa unang linggo mo pa lang sa Australia, asikasuhin na ang TFN.
Sino ang pwedeng mag-apply online?
Kung nasa Australia ka na at may valid work rights visa na naka-link sa passport mo, pwede kang mag-apply online gamit ang Individual Auto-Registration (IAR) system — hindi mo na kailangang magpadala ng mga dokumento. Kabilang sa valid working visas ang Working Holiday (subclass 417 at 462), Temporary Activity (subclass 408), at bridging visa para sa asylum seekers. Ang mga taga-New Zealand ay awtomatikong may work rights pagdating. Ma-check mo ang visa details at conditions mo sa VEVO (Visa Entitlement Verification Online) ng Department of Home Affairs.
Tandaan: kung ang visa mo ay may kondisyong 8101, 8103, o 8116 (NO WORK), hindi ka pwedeng gumamit ng IAR.
Gaano katagal bago makuha?
Karaniwang matatanggap mo ang TFN sa loob ng 28 araw mula nang matanggap ang kumpleto mong application — ipapadala ito sa Australian postal address na nilagay mo. Huwag mag-apply ulit habang naghihintay sa loob ng 28 araw para hindi ma-delay. Kung lampas 28 araw at wala pa, kontakin ang ATO at ibigay ang ATO receipt ID mo mula sa application.
Ibigay ang TFN sa tamang tao — at ingatan ito
Pagkatanggap mo ng TFN, ibigay ito sa employer mo pag nag-umpisa ka sa trabaho, sa bangko mo (para hindi ma-withhold nang malaki ang tax sa interes ng ipon mo), sa super fund, at sa uni kung nag-aaral ka. Pero ingat: sapat na ang pangalan, birthday, address, at TFN para makagawa ng identity fraud ang scammer. Kaya sa lehitimong kausap lang ibigay — ATO, employer, bangko, ahensya ng gobyerno, super fund, o university. Kung sa tingin mo’y nanakaw o nagagamit nang mali ang TFN mo, kontakin agad ang ATO.
Mahahanap mo rin ang TFN mo mamaya sa ATO app o ATO online account (kapag naka-link ang myGov mo sa ATO), sa notice of assessment, o sa payslip/income statement mula sa employer.
